Ito ang simula

Ito ang simula.

Katulad ng napakaraming bagay, mga pangyayari, ang simula minsan ay napakahirap gawin. Paano nga ba sisimulan ang mga bagay na gusto mong mangyari? Minsan nangangarap tayo pero hanggang pangarap na lang ba tayo? “Libre lang mangarap”, sabi nga ng sinaunang modernong tao, ganun din ng kanta ng Parokya ni Edgar, at ayon sa blog ni Otep (naging klasmeyt ko sa TUP). Pero pa’no ba sisimulan ang pagkakamit ng mga pangarap? O baka suntok sa buwan ang mga pinapangarap kaya mahirap simulan?

Naalala ko tuloy ang unang Love Letter na ginawa ko. Halos maubos ang pahina ng notebook ko kakapunit dahil nahihirapan talaga akong simulan ang sulat na ‘yon. Sa simula pa lang pagninilay-nilayan ko ang mga kataga para mabighani ang magbabasa ni’yon. Ginagawa kong makata ang sarili ko, baka sakali kasing maging si Florante ako at ang iniibig ko’y si Laura. Magiging romantiko ako. Naglalakad sa tabi ng baybayin ng Roxas Blvd. habang nag-iisip ng mga pasaring kong berso. Bibili ng tovleron sa 7 eleven sa kanto ng Paz sa Paco. Rosas ng Dangwa. At isang nakakakilig na card. Magsisimula akong manligaw ng hindi alam ang gagawin. 2nd year high school ako noon. At mararamdaman ko sa simula pa lang kung paano ako pumapalpak sa mga hakbang na ginagawa ko. Isang malungkot na sandali. Busted ako.

Sa blog na ito, sisimulan ko nga ang samu’t saring mga kwento. Sabagay, ito naman talaga ang gusto ko mula pa lang noong hayskul ako. Mula pa lang sa pag-aabang ko buwan buwan ng artikulong “Kamalayan” ng Rock ‘N Rhythm”, ang pagbabasa ng mga nakaka-inspire na mga tula ni Pablo Neruda, ang pagpana sa aking puso ng “Dekada ’70” ni Lualhati Bautista. Naisip ko, gusto ko talagang magsulat. Magsulat ng magiging linya ng mga awitin (kahit walang musika, ang diwa ko ang siyang himig.), mga maikling kwento at aabot sa mga nobela. Likas nga sa akin ang pagsusulat kahit na marami akong hindi alam sa mundo, kahit pa sabihing napakabansot ng aking idea, magsusulat pa rin ako.

Hindi lang ito basta isang pangarap na kailangan kong abutin o malagpasan. Fashion daw ito o mas higit pa sa iniisip ko. Katulad ng isang dokumentaryong video ng bandang Rage Against The Machine ( hanggang ngayon nagahahanap pa rin ako ng kopya ni’yon kahit pirated) naramdaman ko, nagbibigay sila ng mga awiting hindi lang para kumita ng limpak limpak na dolyar kundi upang ihatid ang tunay na kalagayan ng mundo sa mapang-aping uri ng lipunan. Ganun din ng Green Day habang kinakanta nila ang Working Class Hero ni John Lennon ng Beatles. Ngayon ang “Banaag at Sikat ni Lope K. Santos” na pinipilit kung intindihin ang bawat pangungusap nito.

Madalas ang mga katulad niyon ang gusto kong nababasa at napapanood na mga kwento. Siguro dahil noong bata pa ako ay nagtataka ako sa huntahan ng mga magulang ko at mga kaibigan nila, kung sambahin ba naman nila ang Amerika’y katulad ng langit na pag-asa ng naghihirap. Isa raw itong pangarap na kailangang abutin. Na naging okey daw ang Pilipinas sa pagdating ng Kano. Na ang Amerika daw ang dahilan kung bakit napa-alwan ang buhay sa Pinas. Bata pa ako noon, sa pagpasok ng dekada ’90 ay natuto akong magsuri ng mga bagay sa aking paligid. Ako nga si Batman sabi ng aking imahinasyon. Nasa Gotham City ako ng sarili kong mundo.

Ngayon, nagkakaroon na ng itsura ang imahinasyon ko. Magsusulat ako ng magsusulat. Sa kwento ng mga taong  nakakasalamuha ko. Sa piling ng maralita at manggagawa. Sa mga kabataan sa kumunidad. Sa mga bagay na magiging parte ng aking buhay.
Simula pa lang ito. Sana’y masundan at hindi matapos sa simpleng tuldok lang.

Posted in Uncategorized | Leave a comment